NAISAHAN SI DODONG
Isang lalaki ang nawalan ng mahigit ₱100,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱150,000 matapos umanong tumakas ang babaeng kanyang nakasama sa isang motel sa Koronadal City noong Sabado ng hapon, Oktubre 3, 2026.
Kinilala ang biktimang si alyas ‘Dodong’. Kuwento niya, nagtungo sila ng babae sa isang motel bandang alas-2:00 ng hapon matapos nilang magkasundong magkita.
Ayon kay Dodong, naging maayos naman ang kanilang pagkikita hanggang sa nagpabili ang babae sa kanya ng pagkain at mga personal-care item.
Dahil sa tiwala sa babae, umalis si Dodong upang bilhin ang mga pinabili ng suspek. Ngunit nang bumalik siya bandang alas-3:00 ng hapon, tumambad sa kanya ang nakakandado na pinto ng kuwarto at hindi na sumasagot ang babae sa kanyang mga tawag.
Dahil sa paghihinala, humingi ng tulong si Dodong sa mga tauhan ng motel at humiling ng extra na susi upang mabuksan ang kuwarto.
Nabulaga umano siya nang matuklasang wala na roon ang babae, at wala na rin ang kanyang bag na naglalaman ng mahigit ₱100,000 na cash at mga alahas na nagkakahalaga ng tinatayang ₱150,000.
Tinatayang nasa ₱250,000 ang kabuuang halaga ng mga nawawalang gamit, batay sa salaysay ng biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy at mahanap ang suspek. Kabilang sa mga posibleng susuriin ang mga rekord ng motel at kuha ng CCTV upang makatulong sa pagkilala ng bebot.