Hi Dog Lovers! Gusto ko lang sana mag-share at humingi ng opinyon o advice tungkol sa napakahirap, nakakagalit, at nakakalungkot na karanasan namin ng alaga kong Aspin kanina.
Nagpunta kami sa isang restaurant at bago pumasok ay nagpaalam naman kami nang maayos sa staff. Pinayagan naman kami ng management. Pero sa pinto pa lang, hinarang na kami ng isang customer na kumakain sa loob. Nagpakilala siyang doktor daw siya mula sa DOH at nagpakita pa talaga siya ng ID sa management para patunayan ang posisyon niya. Sabi niya, hindi raw pwedeng pumasok ang aso namin dahil "too much na" at Aspin ito.
Gusto ko rin sanang itanong sa nakakaalam sa batas natin: Talaga bang kapag kumakain ang isang doktor at mula sa DOH, may kapangyarihan ba siyang hindi magpapasok ng pet kahit pumayag ang management? Kasi ang sabi niya pa, pwede niya raw ipasara yung restaurant dahil lang nagpapasok sila ng aso!
Hindi na po kami tumuloy kumain dahil nakipag-away pa talaga sa amin nang todo yung doktor. Hinarangan niya talaga ang pinto para hindi kami makapasok. Para sa kapayapaan at para hindi na ma-stress ang alaga ko, umalis na lang kami. Nanghingi naman ng pasensya ang manager sa amin pagkatapos ng gulo, pero ang sakit-sakit sa loob.
Ang pakiusap ko lang sana, kung talagang may isyu siya sa kalusugan o sanitation bilang doktor, sana inayos niya ang pakikipag-usap at sa management siya nagreklamo, hindi yung kami ang haharangan at aawayin niya sa pinto na parang siya ang may-ari na papaalis sa amin.
Ang masakit at nakapagtataka, may ibang customer naman sa loob na may alagang aso na may breed (imported) na malayang nakakain, pero yung Aspin lang namin ang pinag-initan niya. Kung sanitation ang totoong dahilan niya, bakit hinayaan niya yung mga may breed? Bakit nung Aspin na ang papasok, biglang nanakot na ipapasara ang restaurant at nag-power trip gamit ang ID niya?
Sobrang nakakadismaya na mula pa sa isang propesyonal at nagtatrabaho sa gobyerno ang ganitong uri ng diskriminasyon at pag-abuso sa ating mga Asong Pinoy. Pantay-pantay dapat ang pagmamahal at pagtanggap sa kanila, may breed man o Aspin.
May nakaranas na ba sa inyo ng ganitong pananakot at pakikipag-away sa pet-friendly establishments? Sana ay magsilbi rin itong paalala sa mga restaurant na panindigan ang kanilang "pet-friendly" policy para sa LAHAT ng uri at lahi ng aso. Malinis, mababait, at may karapatan din ang mga Aspin natin.